Sunday, March 11, 2007

Isang karanasan sa Arkiyolohiya



Sa Martes, ika-13 ng Marso, pormal nang bubuksan ang eksibit ng aming klase sa Antro 111 (Introduksyon sa Arkiyolohiya). Isang buwan na naming pinagtatrabahuhan ang eksibit na ito, nagsasaliksik, nagpaplano, nagdidisenyo. Ngayong linggo ang pinakahuli at pinakamaatikabong bahagi ng aming paghahanda, at sa loob ng dalawang araw, walang patumangga kaming nagtatrabaho sa Museo at sa Aklatan. Nag-ayos ng mga artifakt, sumulat ng mga dokumentong isasama sa eksibit, nagpaganda ng eksibit.

Hindi maiiwasang sa mga pagkakataong ito may mga nangyayaring hindi inaasahan--nagkakagaguhan, lokohan, kilanlan. Aking ibabahagi sa inyo ang ilang kasiya-siyang pangyayari habang kami'y nagtatrabaho.

Unang Bahagi: Biyernes
Ako ay kasapi ng Komite ng Pananaliksik. Kami ang nagsasagawa ng mga panayam, naghahanap ng mga bagay na isasama sa eksibit, at nagsasala ng mga dokumento. Tumutulong din kami sa ibang komite, partikular sa Lojistiks, upang pandagdag sa kanilang pwersa.

Sa kasamaang-palad, naramdaman kong tuwing may pagpupulong ang aming mga komite, isa ako sa mga tahimik na nilalang na nakikinig sa mga balita ng iba. Naramdaman kong wala pa akong makabuluhang ginagawa para sa aming proyekto kaya noong nanghingi ng tulong ang aming propesor upang tumulong sa pagpili at paglista ng mga artifakt, agad akong nag-alok ng aking serbisyo.

Alas kwatro ng Biyernes, ika-9 ng Marso kami sumugod sa Laboratoryo ng Antropolohiya upang tingan ang Koleksyong Beyer na nakaimbak doon. Kasama sina Prop. Maria Mangahas at Prop. Carlos Tatel, Jr., namili kami sa mga palayok, kagamitang bato, at mga lumang dokumento kung alin ang maaring isama sa eksibit. May mga nakita kaming mga lumang dokumento, galing pa sa dekada beinte, mula sa mga papeles ni Dr. Marcelo Tangco. Ako ang naatasang maghanap ng mga dokumentong may kaugnayan sa aming eksibit.

Parang bigla akong napadpad sa nakaraan, tulad ni Hiro Nakamura. Ang amoy ng lumang papel, ang pakiramdam nito, ang pagkaselan nito, dama ko ang tanda nito. Ang sarap hawakan, ang sarap basahin. Di ko mapaniwalaang nasisilayan ko at nahahawakan ang pirma ni H.O Beyer, ni Marcelo Tangco, at ng iba pang mga personahe sa antropolohiya. Ibang klase ang pakiramdam, parang isang lihim na gusto mong sarilinin, itago.

Wala akong nakitang may kinalaman sa aming eksibit, subalit ang iniwan nitong impresyon sa aking puso at isipan ay di maipagpapalit.

Ikalawang Bahagi: Ang Biyulin ni Lean

Hindi ko alam kung ang biyulin o si Lean ang umantig sa akin. Hindi ko alam kung bakit kahit na anong awiting kanyang tugtugin, mapa-OPM man o klasikal, ay parang isang napakalaking piraso ng tsokolateng hindi ko pagsasawaan.

Buti na lang at may kapaguran siya. Muntik na akong maiyak.


2 Ang Mortal na Sumamba:

At Wednesday, March 14, 2007 5:08:00 AM, Anonymous Anonymous said...

sachi nabitin ako. ayos! hahaha
eeeh. lean... -lui

 
At Wednesday, April 11, 2007 8:06:00 PM, Anonymous Anonymous said...

lean lean lean... ilang entries na ang leann mwahahha :) wooo. lakas tama ka ateeee :p jk

 

Post a Comment

<< Home